Hindi muna mag-iendorso si Vice President Sara Duterte ng sinuman na nagbabalak na kumandidato para sa 2025 midterm elections.
Ayon sa Bise Presidente, nakatuon siya ngayon sa pagdepensa sa Office of the Vice President na kasalukuyang inaatake sa umano’y hindi tamang paggamit ng pondo ng bayan.
Iginiit din niya na isa ito sa kaniyang mga tungkulin bilang Vice President.
Ginawa ni VP Sara ang naturang pahayag sa isang press conference nitong Miyerkules kung saan isa-isang sinagot ng opisyal ang mga isyung ibinabato laban sa OVP sa gitna ng pagbusisi sa panukalang pondo ng kagawaran para sa 2025.
Una na ngang tumanggi si VP Sara na depensahan ang panukalang P2.037 billion na pondo ng OVP para sa susunod na taon sa mga pagdinig ng House committee at hindi din dumalo sa plenary deliberations.
Sa panig ni VP Sara, una na niyang sinabi na ipinauubaya na niya ang pagpapasya sa ibibigay na pondo para sa OVP sa House of Representatives at iginiit na tanging 2 mambabatas lamang ang may huling salita sa pag-apruba ng mga pondo kung saan tinukoy ni VP Sara sina House Speaker Martin Romualdez at Appropriations committee head Rep. Elizaldy Co.
Sentro din ngayon ang OVP at ang DepEd na dating pinamunuan ni VP Sara sa pagdinig ng House good government committee dahil sa umano’y maling paggamit ng mga pondo sa 2 ahensiya.
Samantala, inihayag din ni VP Sara Duterte na hindi pa niya ikinokonsidera sa ngayon na makipag-tandem sa ibang mga pulitiko sa 2028 presidential election.