Hindi nakanuod kanina si Vice President Sara Duterte ng ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa inilabas na pahayag ng Office of the Vice President, ito ay sa kadahilanang nasa Bohol ang bise presidente upang magpakita ng kaniyang pakikiramay sa mga Boholano dahil sa pagpanaw ng kanilang Vice Governor na si Dionisio Victor Balite.
Bukod dito ay nais din ni Sara Duterte na palakasin ang loob ng mga tao sa nasabing lugar dahil naman sa pagkakasuspinde ng kanilang mga nahalal na lokal officials.
Kasabay nito, inilahad din ng tanggapan ni VP na ipinagdiriwang din ngayong araw ang Bohol Day.
Maganda raw ang pagkakataon na ito para sa Bise Presidente na maghatid ng mensahe ng pag-asa.
Mensahe na nagpapaalalang may Diyos na nagbabantay sa atin, at sa pamamagitan daw ng pagtutulungan at pagsisikap ay magagawa nilang muling ayusin ang bayan.
Kung matatandaan, una nang inilahad ni VP Sara na hindi nga siya dadalo sa SONA at itinalaga niya ang kaniyang sarili bilang isang ‘designated survivor’.