Nanidigan si Vice President Sara Duterte na hindi ito magbibitiw sa puwesto.
Kasunod ito sa panawagan ng ilang mga mambabatas dahil sa hindi nito pagdalo sa pagtalakay sa House of Representatives ng panukalang P2-bilyon budget ng 2025 ng Office of the Vice President.
Sinabi nito na hindi siya aalis dahil inilagay siya ng mga tao sa puwesto at naniniwala sila na magtatrabaho ito sa bansa kaya ito ang kaniyang ginagawa.
Una ng pinuna nina House Assistant Majority Leader Jil Bongalon at House Deputy Speaker Jayjay Suarez ng Quezon ang Bise Presidente dahil sa hindi pagdalo sa pagtalakay ng kamara sa budget.
Sagot naman ni Duterte na hindi na niya sasagutin ang puna ng mga bagitong mambabatas dahil kailangan niyang sumagot sa 32 milyon na bumuto sa kaniya.
Nagbigay na rin ito ng sulat kay Lanao del Sur Rep. Zia Adiong na siyang sponsor sa proposed P2-B budget ng Vice President sa 2025 kung saan nakasaad dito na naisumite na nila ang lahat ng mga dokumento sa House committee on appropriation ukol sa budget request.