Itinalaga si Vice President at Education Secretary Sara Duterte bilang Co-Vice Chairperson ng anti-communist task force ng gobyerno.
Inanunsyo ni National Security Adviser Eduardo Año ang pagtatalaga kay Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte bilang pinakamataas na opisyal ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac), at aniya pa ay agad naman itong inaprubahan ng NTF-Elcac Execom (executive committee).
Dagdag pa ni Año, ang walang hanggang commitment ni Duterte sa layunin ng NTF-Elcac ay napakahalaga sa Task Force at nagpapasalamat aniya sila na tinanggap ng bise presidente ang hamon.
Aniya pa, papalakasin ni Duterte ang pagsisikap ng task force na pigilan ang mga komunistang grupo na mag-recruit ng mga miyembro sa mga institusyong pang-edukasyon.
Maaari din daw ibahagi ng dating alkalde ng Davao City ang kanyang mga karanasan sa pakikitungo sa mga komunistang grupo sa iba pang itinalagang Cabinet Officers for Regional Development and Security.