-- Advertisements --

Itinanggi ni Vice President Sara Duterte nitong Huwebes na may kinalaman siya sa Oplan Tokhang, sa Davao City noong panahon ng kanyang termino bilang alkalde.

Ito ay kaugnay sa akusasyon ng dating pulis ng Davao na si Arturo Lascañas.

Nauna nang iniulat na itinuro ni Lascañas na nagpakilala ring miyembro ng Davao Death Squad na si Vice President Sara Duterte ang pasimuno ng oplan tokhang sa Davao City.

Nadawit din sa iba pang mga alegasyon ni Lascañas sina dating Pangulong Rodrigo Duterte, Pastor Apollo Quiboloy at ilang nakaupong senador.

Ayon kay Lascañas, humigit kumulang 10,000 ang napatay sa Tokhang sa Davao. Hiwalay pa raw ito sa pinapatay sa pinalawak na tokhang sa Metro Manila.

Sa isang video message, sinabi ni Vice President Sara Duterte na kinakaladkad ang kanyang pangalan sa isyu para maisama siya sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa extrajudicial killings na iniuugnay sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Aniya, sa mga taon na nagsilbi siya bilang Mayor at Vice Mayor ng Davao City, ni minsan ay hindi nadawit ang pangalan niya sa naturang isyu.

Bigla nalang umanong nagkaroon ng testigo laban sa kanya nang mahalal siya bilang Vice President.

Malinaw na sadyang ipinilit lang umano na maidugtong ang kanyang pangalan para siya ang maging akusado sa ICC.

Hamon ng bise presidente sa nasabing testigo at sa mga tao sa likod nito, magsampa umano sila ng kasong murder laban sa kanya dito sa Pilipinas.

Bigla nalang nagkaroon ng testigo laban sa akin nang mahalal ako na Vice President at kabilang na nga ako ngayon sa mga akusado ng International Criminal Court (ICC). Maliban sa tiyempo, malinaw na sadyang pinilit lang na maidugtong ang pangalan ko sa isyung ito para ako ang maging akusado sa ICC.

Matatandaan rin na si Lascañas, na nagretiro sa police force na may ranggong Senior Police Officer 3, ay unang napansin ng publiko nang si Edgar Matobato, ang unang whistleblower mula sa DDS, isang notorious vigilante group sa Davao na kilala sa pagtugis sa mga maliliit na kriminal, ay pinangalanan siya na kabilang sa mga sangkot sa tinatawag na death squad.