Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte na bagama’t masalimoot ay naging makabuluhan ang kaniyang 2024.
Sa isang event sa Office of the Vice President (OVP) nitong nakaraang Disyembre, nakipagkwentuhan ang bise presidente ukol sa kaniyang mga personal na aktibidad.
Kabilang dito ang pagtungo niya sa mga taong na ibig na makausap.
Kasama na sa mga ito si dating Vice President Leni Robredo noong Setyembre at iba pang dating bise presidente.
Gayunman dahil sa mga hindi naaprubahang proyekto, ang plano umano nilang museo para sa mga dating pangalawang pangulo ng bansa ay baka sa Mandaluyong na lamang ilagay o sa kasalukuyang OVP place.
Maliban sa mga dating opisyal, dinalaw rin niya si Apo Whang-Od, na nasa Buscalan, Kalinga Province.
Ang 107-anyos na mambabatok ay sadyang dinarayo ng mga nais magpa-tattoo dahil ito ay parte ng tradisyon ng ilan at una na rin itong kinilala para sa Presidential Medal of Merit.
Ibinahagi pa ni VP Sara na hindi niya sinasadyang malabag ang kagustuhan ng kaniyang inang si Elizabeth Zimmerman na huwag na sanang dagdagan pa ang kaniyang mga burda sa katawan.
Pero masaya naman umano ito na isang tulad ni Apo Whang-Od ang huling naglagay sa kaniya ng tattoo.
Gayunman, ilang linggo pagbalik nila mula sa Kalinga, habang nakikinig sa radyo sa kaniyang sasakyan, tinandaan ni VP Sara ang anunsyo para sa isang bloodletting program.
Inayos umano nila ang kaniyang schedule at handa nang mag-donate sa Dugong Bombo, kung saan sa Metro Manila ay ginanap ito sa Fairview, Quezon City.
Ngunit laking panghihinayang na hindi pala siya qualified.
Dahil ito sa bagong tattoo sa kaniyang binti at ito raw ang health protocol ng mga nangangasiwa sa blood extraction.
“Narinig ko kasi yan sa sasakyan ko. Naka-on man yan lagi sa station nyo sa Bombo. May blood donation nga daw, kaya lang noong inaayos na ang schedule.. ah bawal pala dahil ‘di pa matagal yung pagkaka-tattoo,” wika ni VP Duterte.
At dahil hindi na talaga siya magpapadagdag ng burda, baka sa susunod ay maging kwalipikado na siya sa pag-donate ng dugo sa susunod na Dugong Bombo event, lalo’t matagal pa naman ito bago isasagawang muli.
“So, nanghihinayang ako na hindi ako nakapag-donate ng dugo, Sayang gusto ko talaga ‘yun,” dagdag pa ng bise presidente.