-- Advertisements --

Muling nagpasaring si Vice President Sara Duterte na hindi dapat mabuyo ang mga lider ng bansa sa pera, cocaine o champagne.

“Leaders should not be motivated by cash, cocaine or champagne. And, most certainly, leaders shoud not be made to hold champagne glasses”

Isa lamang ito sa patutsada ng Bise Presidente sa kaniyang inilabas na statement ngayong araw ng Biyernes.

Bagamat walang pinangalanan ang Bise Presidente, matatandaan na naging kontrobersiyal noon ang pagtikim ni First Lady Liza Araneta-Marcos mula sa wine glass ni Senate President Francis Escudero sa idinaos na Vin d’Honneur sa Malacañang para sa Independence Day.

Gayundin, makailang beses ng idinawit ang pangalan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gumagamit umano ng ilegal na droga kung saan pinakahuli ay ang pinalabas ng grupo ng mga supporter ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na Maisug sa kanilang rally sa Los Angeles na pekeng viral video ni PBBM na humihithit ng ilegal na droga na isinabay sa ikatlong SONA ng presidente.

Maliban pa dito, nagpatama din si VP Sara hinggil sa isyu ng baha sa bansa. Inihalimbawa pa ng ikalawang pangulo na dalawang beses siyang nakaranas ng baha sa mismong bahay ng kaniyang mga magulang sa Davao city kung saan nasira ang kanilang kagamitan. Naranasan din niya na maglakad sa tubig-baha ng abot dibdib at lumangoy na lamang.

Noong alkalde din aniya siya, may namatay na 30 katao dahil sa baha na hanggang sa ngayon ay masakit pa rin sa kaniyang damdamin.

Kayat ginagamit umano ng Bise Presidente ang kaniyang posisyon, resources at platform para maging boses ng mga mamamayang Pilipino na napag-iiwanan at para ipakita sa mga opisyal ng gobyerno kung paano mag-command.

Binanggit din ni VP Sara ang nagawa ng administrasyon ng kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa flood planning na nasimulan noong September 2016 at ang Master Plan and Feasibility Study para sa Flood Control and Drainage para sa Davao city na nai-publish noong July 2023.

Patutsada ng Bise President baka nais ng pondohan ang mga infrastructure projects na naaayon sa naturang masterplan o baka may alinlangan umano dahil Duterte ang nakaupong alkalde at mas marapating gibain na lang.

Matatandaan nga na ilang mga lugar sa bansa kabilang na ang Metro Manila at Calabarzon ang matinding binaha sa pananalasa ng nagdaang bagyong Carina at Habagat na iniuugnay sa hindi natatapos na flood control at drainage projects.

Una na ring inamin ng DPWH na nagkukulang pa rin ang bansa sa flood-control master plan sa kabila ng bilyong peso na inilaan para sa flood control programs.

Subalit, sa ikatlong ulat sa bayan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaniyang ibinida na nasa mahigit 5,000 flood control projects na ang natapos sa ilalim ng kaniyang administrasyon.