-- Advertisements --

Nagpahayag ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa patuloy nitong pagtitiwala sa kaniya bilang kalihim ng Department of Education.

Sa kabila ito ng mga panawagan ng ilan na palitan na ang naturang Bise presidente ng bagong opisyal na manunungkulan bilang kalihim ng nasabing kagawaran.

Sa isang statement ay tiniyak din ni VP Duterte ang pangakong makakaasa ang Pangulo at ang publiko na ang lahat ng mga bumubuo sa Deped kabilang na ang mga teaching at non-teachings personnel ay patuloy na maglilingkod nang tapat para sa kinabukasan ng bawat mag-aaral sa bansa.

Kung maaalala, una nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na mananatili at hindi nito papalitan si Vice Presidente Duterte bilang pinuno ng Kagawaran ng Edukasyon kasabay ng pagbibigay-diin na hindi maaapektuhan ng kasalukuyang mga isyu sa pagitan nilang dalawa ang kanilang Working relationship.

Matatandaan din na una rito ay sinabi ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa isang panayam na bad shot na ang bise presidente sa kaniya dahil sa pagdalo nito sa rally na pinangunahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at pagtawa nang sabihang “bangag” ang kaniyang asawang si President Marcos Jr.

Kaugnay nito ay naglabas ng naman ng video message si VP Duterte kung saan ipinunto niya na walang kinalaman sa kaniyang mandato bilang opisyal ng pamahalaan ang Personal feelings ng unang ginang.