-- Advertisements --

Sa kabila ng mga nangyayari at mga isyung binabato sa kanya, mainit pa ring tinanggap ng mga Cebuano si Vice Presidente Sara Duterte sa ginawa nitong surprise visit nitong Miyerkules ng umaga, Pebrero 26, sa Brgy. Ermita nitong lungsod ng Cebu.

Kasamang naglibot ng Bise Presidente ang mga kandidato ng Partido Barug kung saan ibinunyag nito na apat ang kanilang nakaschedule sa dalawang araw na pagbisita dito.

Bagama’t may mga kasama itong kandidato nangangampanya, binigyang-diin pa ni VP Sara na ang kanyang pagbisita ay upang personal na ipaabot ang pasasalamat sa mga Cebuano sa kanilang patuloy na pagsuporta sa kanya at sa tanggapan ng Office of the Vice President.

Sinabi pa ng opisyal na gaano man karumi sa pulitika at Kahit ano man ang ginawang paninira ay hindi pa rin nawawala ang pagtitiwala ng mga tao sa kanya at sa kanyang opisina.

Mahalaga pa aniya ito para sa morale ng mga empleyado ng Office of the Vice President na nandyan ang mamamayan na nagsuporta sa kanilang trabaho at proyekto.

Nagpaabot naman ito ng mensahe sa lahat na magkaisa tungo sa tunay na pagbabago.

Hinikayat din nito ang mga botante na hindi iboto ang isang kandidato dahil lamang mula ito sa isang political dynasty o dahil sa isang kilalang apelyido kundi pakinggan ang pangako, tingnan ang kapasidad at kung ano ang mga nagawa na nito.

At higit sa lahat, idinagdag nito na tingnan din ng mga botante kung ang mga ginawang pangako para sa bansa ay naibigay at natupad ba.