DAVAO CITY – Malaki ang pasasalamat ni Vice President Sara Duterte sa mga dabawenyong nagpakita ng kanilang suporta sa matagumpay na selebrasyon ng ika-86 Araw ng Dabaw.
Ayon kay VP Duterte, na naging mayor rin ng Davao, nagpapasalamat ito sa mga Dabawenyo sa suportang ipinakita sa lokal na gobyerno ng lungsod at maging sa Office of the Vice President at lalong-lalo na sa pagkakaisa ng lahat na siyang naging lakas rin ng lungsod.
Pinangarap rin ni VP Sara Duterte na maging “Big and Bright Spot” o makilala ang lungsod ng Davao sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) region.
Dumalo rin ang ilang VIPs upang makisaksi sa Parada Dabawenyo kagaya ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.
Sa kabilang banda, naging matagumpay ang Parada Dabawenyo na isa sa naging highlight na aktibidad sa ika-86 Araw ng Dabaw kung saan alas 10 pa lamang noong nakalipas na gabi, ipinatupad na ng City Transport and Traffic Management Office ang road closure sa mga pangunahing daan sa downtown area ng lungsod lalo na sa dadaanang ruta ng mga kasali sa nasabing aktibidad kung saan nagsimula sa Roxas Avenue papuntang San Pedro Square nitong lungsod.
Naging mahigpit rin ang pagpapatupad ng seguridad kung saan mahigit apat na libong security personnel ang ipinakalat upang mapanatili ang katiwasayan at seguridad lalo na sa mga dumalong VIPs ng nasabing aktibidad.