Pinabulaanan ni Vice President Sara Duterte ang alegasyong pamumunuan niya ang oposisyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Iginiit ng Bise Presidente na hindi siya gumalaw para sa adminsitrasyon, para sa oposisyon o sa sinuman sa politika dahil ang lahat ng kaniyang mga ginagawa ay base sa kung ano ang makakatulong para sa mga Pilipino.
Ginawa ng Bise Presidente ang naturang paglilinaw matapos lumitaw ang mga alegasyon kaugnay sa posibleng pamumuno nito sa opisisyon matapos na magbitiw bilang DepEd Secretary kasunod ng tila maalat na relasyon ng pamilya Marcos at Duterte.
Una ng sinabi ni VP Sara na wala siyang inirekomenda kay Pangulong Marcos na maging susunod na kalihim ng DepEd dahil ang Presidente aniya ang nagtatalaga na kaniyang pinagkakatiwalaan.
Tiniyak naman ni VP Sara na dadalo pa rin ito sa lahat ng national events sa kaniyang nalalabing mga araw bilang kalihim ng DepEd kabilang na sa Palarong Pambansa.