-- Advertisements --

Naniniwala si Vice President Sara Duterte na ginamit lang siya ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., noon para manalo sa 2022 elections.

Sa isang pulong balitaan sa tanggapan ng pangalawang pangulo sa Mandaluyong, ikwinento ni Duterte kung paano siya unang tawagan ni Senator Imee Marcos noong 2021 para pakiusapan na tumakbo bilang running mate ng kapatid nito na si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos.

Ayon kay Sara, malinaw naman daw at direkta namang sinabi sa kaniya ng Senadora na kailangan siya ni PBBM para lang makuha ang boto sa Visayas at Mindanao para manalo kay dating presidential aspirant at dating Vice President Leni Robredo.

“Nagamit? yes clear naman ‘yon… tinanong ko bakit ako? and then she said matatalo kami ni Leni kung di mo dadalhin ang mga bisaya,”

Ayon kay Duterte, sa kabila ng panggigipit sa kaniya ngayon ng administrasyon, hindi naman niya pinagsisisihang tumakbo siya bilang bise presidente at maging ang pagiging running mate ni Marcos.

Naniniwala kase aniya siya na may rason ang Diyos kung bakit siya inilagay sa posisyon niya ngayon.

“I’m sure mayroong rason ang Diyos kung bakit ako nilagay sa upuan na ito. ‘Yan yung rason para ganito ang gawin ko bullsh*tin ko sila nang bullsh*tin…they can drag me to hell, pagdating nila doon ako pa rin ang presidente ng impyerno.”