DAVAO CITY – Nagpahayag na may balak na muling tumakbo si Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte sa susunod na election.
Sa pagbisita ni VP Sara sa flag ceremony at pagpupulong sa Brgy. Bago Gallera, Davao City, mismong ang bise ang nagsabi na nabalitaan niyang hindi na tatakbo sa susunod na halalan ang kanyang mga kapatid na sina Davao City Mayor Sebastian Duterte at 1st District Congressman Pulong Duterte.
Sinamantala rin ng bise presidente ang pagkakataon na mangampanya kung sakaling hindi tatakbo ang kanyang mga kapatid.
Hindi pa nabubunyag kung anong posisyon ang tatakbuhan ng bise presidente pagkatapos ng kanyang termino.
Nauna nang ibinunyag ng ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na naibigay na kay VP Sara ang political plan ng pamilya, pero sa panayam ng mga mamamahayag, nabanggit ni VP Sara na ang pagtakbo sa politika ay isang personal na desisyon at susuportahan din niya ang mga gustong tumakbo sa kanyang pamilya.
Sa kanyang pagbisita din sa Bago Gallera, hiniling ng bise na suportahan ang mga programang isinasagawa sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education.
Binigyang-diin din ni VP Sara ang kahalagahan ng pagpapalakas ng Barangay Development Council para sa pagpapatupad ng mga programa sa bawat barangay tulad ng imprastraktura, pangkalusugan, pangkabuhayan, disaster preparedness at peace and order sa barangay.
Hinikayat din ni VP Sara ang mga magulang na mabigyan ang kanilang anak ng karapatan sa edukasyon na isa rin sa mga prayoridad ng kanyang tungkulin laban sa insurhensiya, kriminalidad at ilegal na droga.