-- Advertisements --

Inamin ni Vice President Sara Duterte na sadyang nawalan na siyang gana para sumagot sa tanong ng mga kongresista, sa kabila ng paghimok ng marami na idepensa ang pondo ng Office of the Vice President (OVP).

Ayon kay VP Duterte, hindi niya nakikita ang halaga ng pagtatanggol sa pondo sapagkat sa huli ay manipulado pa rin ito ng dalawang opisyal ng Lower House na sina Speaker Martin Romualdez at Rep. Elizaldy Co.

Magiging aksaya lamang umano sa panahon ang pakikipagsagutan habang buo na pala ang direksyon kung saan mapupunta ang budget.

“Oh, bakit pa tayo mag-question and answer dito, para atakihin niyo ako? ‘Eh ang masusunod lang naman sa budget, dalawang tao lang”

Ang masaklap pa aniya, nakipagsabwatan ang House leadership sa makakaliwang grupo para lamang isabotahe ang kaniyang mga programa sa OVP.

“So, nakikita niyo, bumulong ang Makabayan Bloc kay Martin Romualdez. At dahil sa kagustuhan ni Martin Romualdez na hindi siya atakihin, at dahil sa gusto niyang suportahan ang Makabayan at ang NPA, nakinig siya. At ang ginawa niya, tanggalin ‘yung budget”

Nabunyag na rin aniya ang plano na alisin talaga ang ibang bahagi ng kanilang pondo, kahit maayos naman itong naidepensa noong nakaraang taon.

Dagdag pa ng bise presidente, may pattern ang mga pag-atake sa kaniya na inumpisahan sa bulungan, pulong at paggamit ng mga impluwensya sa mga tanggapan ng gobyerno para maging target siya ng pag-atake.