-- Advertisements --

Naniniwala ang isang mambabatas na ginagamit lamang ni Vice President Sara Duterte ang pagbawas ng Philippine National Police (PNP) sa kaniyang security detail upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa kanyang pagbabakasyon sa Germany sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Carina noong nakaraang linggo.

Hindi rin kumbinsido si Manila 3rd District Rep. Joel Chua na may kinalaman sa pulitika ang pagbawas ng mga pulis na nagbabantay kay Duterte.

Ang pahayag ni Chua ay reaksyon nito sa open letter ng Bise Presidente kay PNP Chief Gen. Romel Francisco Marbil, na inaakusahan nito ng pagsisinungaling sa dahilan ng pagbawas sa kanyang security detail.

Una ng ipinag-utos ni Marbil ang paglilipat sa 75 pulis na nakatalaga bilang mga personal body guard ni Duterte.

Sinabi ni Chua na dapat irespeto ang naging desisyon ng PNP.

Hinimok din ni Chua ang publiko na iwasang iugnay ang hakbang ng PNP sa pulitika at magtiwala sa kakayahan ng pulisya na pamahalaan ang kanilang mga tauhan, kung saan dapat italaga ayon sa pangangailangan.

Sinegundahan naman ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. ang sentimyento ni Chua lalo’t ang pagtatalaga o pagbabawas ng security detail ay karaniwan ng nangyayari.

Nilinaw din ni Chua na hindi lahat ng bodyguards ng Bise Presidente ay tinanggal ng PNP.

Sa katunayan ayon kay Chua, nagsimula ang Bise Presidente sa pagkakaroon ng may 400 security personnels, na maituturing na pinaka-pinangangalagaang Bise Presidente sa kasaysayan.