Hindi dadalo si Vice President Sara Duterte sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang panayam sa pangalawang pangulo sa Davao City, iginit niyang hindi siya dadalo at sinabing ina-appoint niya ang kanyang sarili bilang ‘designated survivor’.
“No, I will not attend the SONA. I am appointing myself as the designated survivor”
Vice President Sara Duterte
Ang designated survivor ay isang indibidwal na kadalasang ina-appoint ng pangulo at hindi dadalo at manonood sa SONA upang siya ang mamumuno sa oras na may mangyaring malaking kalamidad o ‘catastrophic incident’ na magiging dahilan ng pagkamatay o iba pang physical incapacitation sa mga opisyal ng bansa na nasa line of succesion.
Ito ang unang pagkakataon na hindi dadalo ang pangalawang pangulo sa SONA ni PBBM na kanyang ka-tandem sa 2022 elections.
Samantala, una na ring kinumpirma ng mga dating bise presidente ng bansa na hindi sila dadalo sa ikatlong SONA ni Marcos. Kabilang dito sina Leni Robredo, Jejomar Binay, at Noli de Castro.
Sa kasalukuyan, hindi pa kinukumpirma ni dating PRRD kung dadalo siya sa pag-uulat sa bayan ni Pang. Marcos ngunit dati na siyang hindi dumalo noong 2023 SONA.
Una rito ay naging matunog ang pagkakabuwag ng UniTeam na binuo ni VP Sara at PBBM noong panahon ng pangangampanya noong 2022 elections, kasunod na rin ng pagkalas noon ni VP Sara sa Gabinete ni PBBM (DepEd Secretary at Vice Chair ng NTF-ELCAC).
Hindi rin sinamahan ni VP Sara si Pang. Marcos sa kamakailan ay Opening Ceremony ng Palarong Pambansa 2024, gayong kapwa nasa Cebu ang dalawa.