Hindi pa rin umano haharap sa susunod na pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability si Vice President Sara Duterte.
Sa kabila ito ng personal na pagpapa-receive sa kaniya ng imbitasyon ng komite nang dumalo siya bilang suporta sa kaniyang amang sumalang bilang resource person sa Quad Committee.
Ayon sa bise presidente, magpapadala na lang uli sila ng liham para ipaliwanag ang mga rason kung bakit hindi na ito pupunta sa House hearing na pinangungunahan ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua.
Giit nito, hindi naman pinakikinggan ang kanilang mga sinasabi at paliwanag ukol sa detalye ng pondo, kaya mas mabuting huwag na silang mag-aksaya ng oras na humarap pa sa nasabing lupon.
Ang panibagong pahayag ng pangalawang pangulo ay inilahad nito kasabay ng dinaluhang selebrasyon ng 89th Founding Anniversary ng Office of the Vice President sa Mandaluyong City.