Nilinaw ni House Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo na hindi pinagkakaisahan ng mga lider ng Kamara de Representantes si VP Sara Duterte.
Sa isang panayam, sinabi ni Tulfo na hindi pinagkakaisahan ng mga lider ng Mababang Kapulungan ang ikalawang pangulo sa kabila ng mga nauna nang banggaan sa pagitan ng mga mambabatas at ni VP Sara, lalo na sa usapin ng budget at confidential fund.
Ayon kay Tulfo, bagaman may ilang mga miyembro ng Kamara na nais limitahan ang budget ng opisina ni VP Sara, marami aniya sa mga lider ang may kagustuhang mabigyan ng sapat na pondo ang pangalawang pangulo.
Sa katunayan, sinabi ni Tulfo na kamakailan lamang ay pinulong ni House Speaker Martin Romualdez ang mga lider ng Kamara at pinag-usapan ang budget na ilalaan sa opisina ni Duterte.
Bagaman may ilang lider ng Kamara na nagnais ding limitahan ang budget ni Duterte, marami aniya sa kanila ang nagsabing ibigay pa rin ang nararapat na pondo sa OVP para sa susunod na taon.
Ito ay taliwas aniya sa nangyari noong panahon na pinag-usapan nila ang sitwasyon ni dating Negros Oriental 3rd District Cong. Arnolfo Teves Jr. kung saan magkakasama nilang tinanggal ang puganteng kongresista.