-- Advertisements --

Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na nagsumite ito ng request letter sa National Bureau of Investigation (NBI) para hilingin na i-reschedule ang imbitasyon nito sa kanya.

Ayon kay Duterte nagkaroon kasi nang conflict sa schedule para sa pagdalo rin nito sa pagdinig ng House Blue Ribbon Committee.

Naipangako na rin aniya nito sa kanyang mga empleyado na sasamahan niya ang mga ito hanggang sa matapos ang pagdinig ng Kamara hinggil sa umano’y maanomalya at maling paggasta sa Confidential and Intelligence Funds (CIF) ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Maaalalang naglabas ng subpeona ang NBI laban sa bise dahil sa ginawang pagmumura nito at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Araneta Marcos at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.

Una nang sinabi ni NBI Dir. Jaime Santiago na ang subpeona na kanilang inilabas laban kay Duterte ay patunay lamang na umiiral at walang kinikilingan ang batas sa bansa.