Hinimok ng isang grupo na inilunsad ng mga kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte si Vice President Sara Duterte na pamunuan ang movement na Hakbang ng Maisug ngayong hindi na ito parte ng Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ginawa ng grupo ang panawagan matapos na ilarawan ng oposisyon na Tindig Pilipinas ang Bise Presidente bilang “no champion of democratic opposition” dahil sa pananahimik nito sa mga isyu ng panghihimasok ng China sa West Philippine Sea at iba pang mga usapin.
Sa inilabas na statement ng Hakbang ng Maisug, sinabi ng grupo na naninindigan sila sa pagsuporta sa matapang na desisyon ni VP Sara bilang pangalawa sa pinakamataas na opisyal sa bansa. Nasa posisyon din aniya ang Bise presidente para pangunahan ang boses ng mamamayan laban sa kalabisan at pang-aabuso ng Marcos administration at para maiwasang sumiklab ang giyera.
Matatandaan na binuo ang naturang movement noong January rally sa Davao city bilang pantapat sa inilunsad na Bagong Pilipinas na umusbong bilang political counterforce ng kasalukuyang administrasyon.