Kinukuwestiyon ni Bise Presidente Sara Duterte ang bilang ng 30,000 umanong nasawi sa kampanya kontra droga na inilunsad ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Binigyang diin rin niya na kailangan ng matibay na patunay o ebidensiya na sumusuporta sa naturang bilang ng mga nasawi dahil nananatiling hindi kumbinsido ang opisyal sa naturang mga alegasyon at hinihingi ang konkretong datos para mapatunayan ang sinasabing 30,000 death toll.
Ayon kay VP Sara, sa kasalukuyan ay 181 na ebidensiya pa lamang ang naibibigay at naisusumite ng prosekusyon sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng mga kaso ng umano’y pagpatay sa drug war kung saan ay iginiit niyang malayo aniya ang bilang na ito sa hindi umano’y libo-libong bilang ng mga nasawi na iniuugnay sa kampanya.
Dagdag pa ng Pangalawang Pangulo, paano aniya mapatutunayan ang sinasabing 30,000 biktima ng drug war kung wala namang naipapakitang kumpletong listahan ng mga pangalan ng mga nasawi at kung saan nakabatay ang bilang na ito. Binigyang-diin din niya na sa kasalukuyan ay hindi pa umano umabot sa 50 ang bilang ng mga natiyak o nakilalang mga biktima.
Sa bilang na iyon, 43 pa lamang umano ang kumpirmadong biktima na katumbas naman ng 43 counts of murder na siya aniyang malayo pa rin sa sinasabi sa mga ulat na 30,000 indibidwal na nasawi sa ilalim ng administrayson.
Sa kasalukuyan, si dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nahaharap sa kasong crime against humanity sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kanyang kampanya kontra droga. Patuloy naman na kumakalap pa ng impormasyon ang ICC para pormal na imbestigahan at litisin si dating Pangulo Duterte kaugnay ng mga umano’y paglabag sa karapatang pantao.