Kinondena ni Vice President Sara Duterte ang pagsisilbi ng warrant of arrest kahapon ng kapulisan ng PRO 11 sa 30-hectares na compound ni Pastor Apollo Quiboloy.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng bise presidente na hindi umano siya tutol sa kahit ano mang warrant of arrest ng gobyerno, ang hindi umano niya tanggap ay ang paggamit ng dahas at lakas ng kapulisan sa mga miyembro at deboto ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC).
Ayon pa sa pangalawang pangulo, ito ay nagpapakita umano ng pagtataksil sa sariling bansa at pagkapilipino. Kwinestyon pa ni Duterte kung ang pagpapatupad ba ng naturang warrant of arrest ay dahil ang akusado ay isang tagasuporta ng kanilang pamilya.
Sa naturang statement, humingi rin ang pangalawang pangulo ng tawad sa mga miyembro ng KOJC dahil sa paghingi at pagpilit umano nito sa kanila na iboto ang kanyang 2022 elections running mate na si Pangulong Marcos Jr.
Aniya, ang mga Pilipino umano ay nangangailangan ng mas mainam na lider.
Matatandaan na ang naturang operasyon kahapon sa KOJC compound ay nagresulta sa pagkasawi ng isa at pagkasugat ng ilang miyembro ng KOJC.