Ibinunyag ni VP Sara Duterte ang umano’y pagbabayad ng kaniyang mga kalaban at kaaway sa pulitika para lamang sirain at atakehin siya.
Ginawa ng Pangalawang Pangulo ang pagbubunyag sa isang meet-and-greet kasama ang kanyang mga tagasuporta sa Tokyo, Japan.
Ayon kay VP Sara, P25 million na paunang halaga ang ginastos o ibinayad ng kaniyang mga kaaway, habang mas malaking halaga pa ang inaasahang ilalabas para lumawak ang paninira laban sa kaniya.
Kuwento pa ni Duterte na noong 2023 sa budget ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP), sinabihan siya ng isang kakilala niya sa loob ng Public Relations (PR) industry sa NCR na ang unang bayad ay P25 milyon para sa mga atake laban sa kanya.
Una nang nakipagkita ang Bise Presidente sa kanyang mga tagasuporta sa Ginza, Tokyo, higit isang linggo matapos ang isinagawang rally ng mga ito sa Shibuya crossing sa Tokyo upang ipakita ang kanilang suporta kay Duterte.
Pagbubuyag ng Bise Presidente na ang ilan sa mga umaatake sa kanya ngayon ay mga kaibigan niya mula pa noong 2016 at 2019 tuwing halalan dahilan upang isipin umano niyang wala siyang tunay na kaibigan sa pulitika.
Sa kabila nito ay wala namang binanggit si VP Sara na mga pangalan kung sino ang partikular na nagbayad at kung sino ang binayarang indibidwal o grupo.