Nilinaw ni Vice President Sara Duterte na walang lamat sa pagitan ng Marcos-Duterte tandem na kilala rin sa tawag na UniTeam.
Ginawa ni VP Sara ang paglilinaw matapos ibunyag kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pinag-aaralan ang posibilidad ng muling pagbabalik ng Pilipinas sa Intenational Criminal Court (ICC).
Nagbunsod naman ang pahayag na ito ng Pangulo na posibleng magsimula ito ng namumuong pagkakaiba sa political team up.
Ginatungan pa ito ng umano’y plano ng Mababang Kapulungan na i-impeach o patalsikin sa pwesto si VP Sara.
Ayon sa Bide Presidente, patuloy ang kaniyang pakikipagtulungan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahit pa tapos na ang campaign period. Pagdating naman aniya sa working relationship nila ng Pangulo, sinabi ni VP sara na wala itong narinig na reklamo mula sa Pangulo at tuluy-tuloy ang kanilang pagtutulungan bilang Pangulo at Ikalawang pangulo ng bansa.
Matatandaan na una ng sinabi ni VP Sara na iginagaalang niya ang desisyon ni Pang. Marcos na pag-aralan ang muling pag-anib ng bansa sa ICC.
Subalit sinabi din ng opisyal na makikipag-ugnayan siya sa Department of Justice para ipresenta ang kaniyang posisyon laban sa posibilidad ng pakikipagtulungan ng pamahalaan sa imbestigasyon ng ICC sa war on drugs ng kaniyang ama na si dating Pang. Rodrigo Duterte.