Inendorso ni Vice President Sara Duterte ang Senatorial Candidates ng Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na pinamumunuan ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na halalan sa Mayo.
Ginawa ni VP Sara ang pag-endorso sa pamamagitan ng kaniyang ipinadalang mensahe na binasa ng event host sa idinaos na proclamation rally ng Senatorial candidates ng PDP sa San Juan city ngayong Huwebes, Pebrero 13.
Dito, hinimok ng Pangalawang Pangulo ang publiko na iboto ang re-electionists Senators na sina Sen. Ronald Dela Rosa at Bong Go, gayundin ang aktor na si Philip Salvador, mga abogado na sina Atty. Raul Lambino, Atty. Jesus Hinlo at Jimmy Bondoc, SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta at ang nakakulong na si KOJC founder Pastor Apollo Quiboloy.
Subalit hindi nabanggit ang pangalan ng isa pang Senatorial candidate ng partido na si dating Executive Secretary Vic Rodriguez.
Sinabi din ni VP Sara na nagtitiwala siya na nasa taumbayan ang kapangyarihang baguhin ang kasalukuyang takbo ng ating bayan sa pamamagitan ng pagboto sa mga taong karapat-dapat, tapat at matiyagang naglilingkod sa bayan.
Maaalala naman na nauna ng sinabi ni VP Sara sa isang press conference sa OVP satellite office sa Bacolod city noong Nobiyembre 2024 na hindi siya magi-endorso ng sinumang local o national candidates dahil hindi maganda ang kaniyang naging karanasan sa nakalipas na halalan noong 2022 at sa halip ay sinabing dapat na piliin ng mga botante ang mga kandidato base sa kung ano ang kanilang nagawa at hindi sa pag-endorso ng sikat na personalidad.