Itinanggi ni Vice President Sara Duterte ang umano’y political plot na tinawag na “Save the Queen” para gawin siyang sunod na Pangulo ng Pilipinas.
Sa isang press briefing sa Bacolod city, ipinaliwanag ng Bise Presidente na wala umanong operator na ipapangalan ang kaniyang operasyon sa kung ano ang kaniyang layunin.
Ginawa ni VP Sara Duterte ang paglilinaw nang matanong ng Bombo Radyo ang Ikalawang Pangulo kung dadalo siya sa sunod na pagdinig ng House Quad Committee sa November 15 sakaling imbitahan siya.
Nag-ugat naman ang isyu sa umano’y Save the Queen plot matapos ang rebelasyon ni dating Bureau of Customs (BOC) intel officer Jimmy Guban sa pagdinig ng House Quad Committee noong nakaraang linggo kung saan ibinunyag niyang ang mga pagpatay na ginagawa ng tinawag na Davao mafia ay para isave ang queen para maging sunod na pangulo.
Isiniwalat din ni Guban na parte ng conspiracy umano ang kapatid ni VP Sara na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte at asawa ni VP Sara na si Mans Carpio.
Bagamat hindi naman partikular na pinangalanan ni Guban ang kaniyang tinutukoy sa kaniyang statement sa mga naunang pagdinig ng komite hinggil sa Save the queen plot nang usisain ni Zambales Rep. Jay Khonghun kung ang mga Duterte ang kaniyang pinatutungkulan dahil kailangan pa aniya niyang ayusin ang kaniyang affidavit at dahil seguridad ng kaniyang pamilya ang nakataya dito.