-- Advertisements --

Itinuturing ni Vice President Sara Duterte na unfounded at walang basehan ang takot ng umano’y pamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings (EJK) sakaling ibalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa isang online press conference, ikinatuwiran ng Bise Presidente na hinayaan ng dating Pangulo ang ginagawang pag-iimbestiga sa war on drugs at pakikipagpanayam sa mga testigo kahit na alam niya kung sino at saan ang mga ito.

Aniya, bilang isang Pilipino, naniwala ang dating Pangulo na hindi makikipag-tulungan ang gobyerno sa International Criminal Court (ICC) sa oras na magkaroon ng formal investigation o warrant of arrest.

Binalikan din ng Pangalawang Pangulo na noong araw na inaresto ang dating Pangulo kinailangan pa siyang itulak para gumalaw at umakyat sa eroplano, kayat wala umanong kakayaahan physically ang dating Pangulo para maging banta sa pamilya ng umano’y EJK victims.

Iginiit pa ni VP Sara na kahit pa maaaring mag-utos ang dating Pangulo para gawin ito ay hindi ginawa ng kaniyang ama. Inihayag din ng Bise president na mayroong proteksiyon ang pamilya ng EJK victims mula sa gobyerno ng Pilipinas at ICC.

Inilatag din ng Bise Presidente ang mga posibleng dahilan kung bakit tila ayaw pabalikin ang dating Pangulo sa Pilipinas.

Ginawa ng Bise Presidente ang pahayag sa gitna ng claims ng umano’y pamilya ng mga biktima ng extra-judicial killings na malalagay sa panganib ang kanilang buhay sakaling pabalikin sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte.