Nanindigan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na naging ‘sagabal’ si Vice President Sara Duterte sa mabilisan sanang paglilipat kay OVP Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez sa ospital.
Maalalang naglabas ang komite ng isang kautusan na ilipat sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong city si Lopez.
Ilang sandali matapos ilabas ang order, sinabi ng komite na hiniling ni Lopez na madala siya sa pinakamalapit na pagamutan dahil nahihirapan umano siyang huminga.
Agad naman siyang dinala sa Veteran’s Memorial Center ngunit inilipat din kinalaunan sa isang pribadong pagamutan.
Gayunpaman, bago ang mabilisang pagbibiyahe kay Lopez gamit ang isang patient transport vehicle, nagkaroon muna ng komprontasyon sa pagitan nina VP Sara at mga police, at security personnel na kasama sa pagbi-biyahe
Giit pa ng komite, pisikal na naki-alam si VP Sara sa pagsisilbi sa mga order nito, kasama na ang kautusang mailipat si Lopez sa correctional facility.