-- Advertisements --

Ipinahiwatig ni dating Chief presidential legal counsel Atty. Salvador Panelo na maaaring humantong sa pagkapanalo ni Vice President Sara Duterte sakaling mamatay si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa detention ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Sa isang pulong balitaan ngayong araw ng Huwebes, Marso 27, inihayag ni Panelo na kung babalikan ang ating kasaysayan, sa tuwing pumapanaw ang isang prominenteng personalidad gaya ng Pangulo, nagreresulta ito sa pag-akyat sa pwesto ng kamag-anak o anak mismo ng pumanaw na lider.

Inihalimbawa ni Panelo noong pumanaw si dating Pangulong Corazon Aquino, nahalal kalaunan bilang presidente ng Pilipinas ang kaniyang anak na si yumaong dating Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III.

Ganito rin aniya ang maaaring mangyari kung saan humantong na sa malawakang protesta ang pag-aresto sa dating Pangulo.

Saad pa ni Panelo na makakasira sa magiging susunod na pambato ng administrasyon sa susunod na presidential elections sakaling pumanaw ang dating Pangulo.

Iginiit pa ni Panelo na kung hindi gagawa ng karampatang aksiyon ang pamahalaan sa daing ng mamamayang Pilipino, mauulit aniya ang kasaysayan, kung saan mapapalitan muli ang rehimen at magkakaroon ng kaguluhan sa pulitika na ayaw nating mangyari.

Sinabi din ni Panelo na kahit hindi mamatay sa kulungan ang dating Pangulo, bagay na hindi nawa mangyari, magiging Pangulo pa rin aniya si VP Sara.

Aniya, ang tunay na motibo sa paghahain ng kaso sa dating Pangulo sa ICC ay para sirain si VP Sara at ang kaniyang numero unong supporter at influencer, ang kaniyang ama. Wala din aniyang tiyansa ang ibang mga kandidato na manalo sakaling tumakbo si Inday Sara sa pagka-Pangulo sa 2028.