Magmumukha umanong may itinatago o tinatakbuhan ni Vice President Sara Duterte ang kanyang pananagutan kung hindi ito personal na haharap sa Senate impeachment court na lilitis sa kanya kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Pitong Articles of Impeachment ang inihain ng Kamara de Representantes sa Senado laban kay Duterte, kabilang ang umano’y iregularidad sa paggamit ng P612.5 milyong confidential funds sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education, kung saan siya ay dating kalihim.
Kasama rin sa reklamo ang pahayag ni Duterte sa isang online press conference na mayroon itong kinausap upang patayin sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kung siya ay mamamatay.
Sinabi ni Defensor na ang impeachment trial ay isang pagkakataon para kontrahin ni Duterte ang mga alegasyon laban sa kanya.
Maka-ilang ulit na ring nanawagan ang mga kongresista kay Duterte na ipaliwanag kung papaano ginastos ang confidential funds nito.
Kabilang sa mga red flag na nasilip ng Kamara ang mga kuwestyunableng pangalan ng mga tumanggap ng confidential funds gaya nina Mary Grace Piattos, Renan Piatos, Pia Piatos-Lim, Jay Kamote, Miggy Mango, at Xiaome Ocho gayundin ang ilang Dodong.
Walang nahanap na birth, marriage, o death records ang Philippine Statistics Authority (PSA) para sa ilang mga pangalan, na nagdulot ng alarma tungkol sa pekeng mga identidad at ang posibleng paggamit ng ghost recipients upang magpadala ng pondo ng bayan.
Bagamat sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na hindi kinakailangan ang pisikal na pagdalo ni Duterte sa paglilitis, iginiit ni Defensor na ang pagdalo nang personal ay magpapakita ng respeto sa proseso at magdaragdag ng kumpiyansa sa kanyang depensa.
Magpupulong ang Senado bilang impeachment court sa Hunyo 3, at naka-schedule ang pre-trial proceedings mula Hunyo 24 hanggang Hulyo 25.
Ang mismong paglilitis ay magsisimula sa Hulyo 30, dalawang araw pagkatapos ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Marcos, ayon inilabas na iskedyul ni Escudero.