Hindi ikinababahala ni VP Sara Duterte ang impeachment na niluluto laban sa kanya.
Ayon sa pangalawang pangulo, hindi na ito bagong balita dahil matagal na niya itong inaasahan kasunod na rin ng natanggap nitong balita noon pang nakaraang taon.
Maaalalang kinumpirma ni dating senador Antonio Trillanes IV na may nakausap na itong kongresista upang mag-endorso sa impeachment complaint laban kay Duterte.
Pero ayon kay Sara, iisa lamang ang handler nina ex-Sen. Sonny Trillanes, Sen. Risa Hontiveros, at ACT Teachers partylist Rep. France Castro na pawang mga pumupuna sa kanyang trabaho.
Pinili naman ng VP na hindi muna tukuyin ang sinasabi niyang handler ng mga ito, at ilalabas na lamang umano sa tamang panahon.
Sa panig naman ni Trillanes, nakahanda na ang 22 articles of impeachment laban kay Duterte na inihanda mismo ng kanyang kampo. Kampante rin ang dating senador na susuportahan ng mga mambabatas ang isusulong na impeachment.
Kabilang sa mga tinukoy ni Trillanes bilang basehan ng impeachment ay ang mga sumusunod:
P125 million na confidential fund na nagastos sa ilang araw, P650 million confidential fund noong 2023 sa ilalim ng DepEd at OVP na pinamumunuan ni Sara, ilang bank accounts, etc.
Ang mga ito ay gagamiting pundasyon bilang paglabag sa betrayal of public trust, graft and corruption, bribery, at culpable violation of constitution na ilan sa mga pasok sa impeachment.
Ayon kay Trillanes, panahon na upang himayin nang mabuti ang ginawang paggastos ni VP Sara sa milyon-milyong pondo nang hindi naman naipapaliwanag kung saan ginamit.