Muling binatikos ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang press conference ngayong araw sa labas ng St. Luke’s Hospital, Quezon City.
Ayon kay VP Duterte, hindi marunong magdesisyon si Pangulong Marcos at mistulang hinahayaan lamang na gumalaw at magdesisyon si House Speaker Martin Romualdez, ang pinsan ng pangulo.
Buwelta ni Duterte, dahil sa kagustuhan ni Romualdez na maging presidente ng Pilipinas, hindi na maganda ang direksyon ng bansa.
Hindi rin aniya ito nakokontrol ng pangulo dahil siya ay may ‘zero decision-making skills’.
Ayon kay Duterte, nasasayang ang maraming oras sa bansa dahil sa ganitong sistema.
Giit ng Pangalawang Pangulo, malaking pondo at oras ang nasasayang dahil lamang sa pagnanais ng kasalukuyang administrasyon na idiin o hanapan ng isyu ang isang pamilya.
Sa halip aniya na gumagawa ng hakbang ang bansa upang bumuti ang kalagayan ng ekonomiya ng Pilipinas, nakapokus ang kasalukuyang administrasyon sa pulitika.