Kinumpirma ni House Blue Ribbon Committee Chairman at Manila Rep. Joel Chua na kanilang inimbitahan muli sa pagdinig bukas si Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Rep. Chua kaniyang sinabi na kapag dumalo si VP Sara Duterte sa pagdinig ay kailangan muna itong manumpa bago siya payagan magsalita.
Binigyang-diin ni Chua na hindi na nila papayagan ang ginawa nuong una ng pangalawang pangulo na tumangging manumpa.
Ang pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay pagpapatuloy sa imbestigasyon kaugnay sa maling paggasta sa P612 million confidential funds ng office of the Vice President at Department of Education nuong si VP Sara pa ang kalihim.
Sinabi ni Chua na imbitado pa rin ang Chief of Staff ni VP Sara na si Atty. Zuleika Lopez na kasalukuyang naka admit sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City matapos himatayin madaling araw ng Sabado.
Abangan din bukas ang pagdalo ng mga bagong testigo.
Nakatakdang kausapin din ni Chua si House Sgt at Arms retired MGen. Napoleon Taas hinggil sa paglipat kay Lopez na dapat ay diniretso sa Women’s Correctional sa Mandaluyong City.
Una ng dinala si Lopez sa VMMC subalit bigla itong inilipat sa St Lukes Medical Center sa Quezon City at duon binasahan ng kaniyang transfer order ng PNP CIDG.
Gayunpaman mula St Lukes Medical Center ay diniretso ito pabalik ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC).