-- Advertisements --

Tatlong magkakahiwalay na impeachment complaint na ang kinakaharap ni VP Sara Duterte.

Ito ay matapos ihain ng religious groups at mga abogado ang ikatlong impeachment complaint sa opisina ni House of Representative Secretary General Reginald Velasco kahapon, Disyembre 19.

Pinangunahan ni Atty. Amando Virgil Ligutan, counsel ng complainants ang pagsusumite ng naturang complaint.

Ayon kay Ligutan, inendorso ang naturang complaint nina Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado at House Deputy Minority Leader at AAMBIS-OWA party-list Rep. Lex Anthony Colada.

Aniya, ang kanilang grupo ay binubuo ng mga simpleng pari at mga simpleng mamamayan, ngunit nais nilang mapanagot ang pangalawang pangulo dahil sa umano’y ilang pagkakasala nito.

Base sa kopya ng complaint na iprinisenta sa media, ang naging ground o basehan sa kanilang inihaing impeachment complaint laban sa Bise Presidente ay ang culpable violation of the Constitution, panunuhol, graft at korapsyon at betrayal of public trust.

Matatandaan na sa naunang impeachment complaint na inihain laban sa Pangalawang Pangulo ay inihain ng civil society organizations na inendorso ni Akbayan party-list Rep. Percival Cendaña noong Disyemrbe 2.

Ang ikalawa naman ay inihain noong Disyemrbe 4 sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan.

Nag-ugat ang mga inihaing impeachment complaint kay VP Sara sa gitna ng imbestigasyon ng House committee on good government and public accountability sa Office of the Vice President at Department of Education na dating pinamunuan ni VP Sara dahil sa umano’y misuse sa confidential funds.