-- Advertisements --

Nakiisang nanawagan si Vice President Sara Duterte para sa maayos, katanggap-tanggap at makataong pagpapairal ng batas at pagtataguyod ng hustisiya sa ating bansa.

Ito ay kasunod ng magulo umanong pagsisilbi ng arrest warrant laban kay Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy noong Lunes na inilarawan ng Bise President na kwestyonable at labis na paggamit ng pwersa at awtoridad sa harap ng mga sibilyan.

Sa inilabas na statement ni VP Sara nitong gabi ng Martes, inihayag ng opisyal na sa pagpapairal ng batas, huwag kalimutan ang kaligtasan ng lahat lalo na ng mga sibilyan.

Gayundin sinabi ni VP Sara na ang karahasan sa mamamayan ay paglapastangan sa ating demokrasiya.

Umaasa naman si VP Sara na mapanatili ang respeto, kaayusan at kapayapaan sa ating bansa.

Matatandaan na una na ring naglabas ng statement ang ama ni VP Sara na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na mariing kinondena ang labis at unnecessary force ng kapulisan sa paghalugad sa properties ng Pastor.

Humantong din ang ikinasang raid ng kapulisan sa tensiyon sa pagitan nila ng mga miyembro ng sekta ni Pastor Quiboloy subalit wala namang nasugatan sa insidente.

Kasalukuyan ngang humaharap ang pastor sa patung-patong na kaso gaya ng child abuse, sexual abuse at human trafficking.