Nanindigan si Vice President Sara Duterte na kaniya lamang haharapin sa korte ng Pilipinas ang mga akusasyong nagsasangkot sa kaniya sa umano’y Davao Death squad at hindi sa International Criminal Court.
Ito ay sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng ICC sa war on drugs sa ilalim ng administrasyon ng kaniyang ama na si dating Pang. Rodrigo Duterte at sa Davao Death Squad na umano’y vigilanteng grupo sa Davao City na responsable sa summary killings ng suspected criminals kabilang ang drug dealers.
Sa isang pahayag, sinabi ni VP Sara na hindi niya kailangan ng death squad para sa mga bagay na kaya naman niyang gawin nang siya lang at sinabing noong bise-alkalde at alkalde pa lamang siya ng Davao city, hindi kailanman ito naiugnay sa naturang grupo subalit matapos siyang manalo bilang Bise Presidente bigla na lamang umanong nagkaroon ng testigo laban sa kaniya at ngayon ay kasama na rin siya sa mga akusado sa International Criminal Court.
Sinabi rin ng Bise Presidente na ang pagpayag sa ICC na mag-imbestiga sa Pilipinas ay magsasadlak lamang sa bansa sa kahihiyan at dudurog din sa dignidad ng ating mga huwes, korte, at buong justice system ng Pilipinas.
Sampal din aniya sa mga bayaning Pilipino na nagbuwis ng kanilang buhay at lumaban para lang sa ating kalayaan ang pagkahilig na magpailalim sa mga dayuhan.
Ang pahayag na ito ni VP Sara ay kasunod ng naunang ibinulgar ni dating Senator Antonio Trillanes IV na inaasahan umanong mag-iisyu ang ICC ng warrant of arrest kaugnay sa war on drugs o Oplan Tokhang sa ikalawang kwarter ng 2024 laban kina dating Pang. Rodrigo Duterte bilang pangunahing akusado gayundin sa iba pang respondents na sina VP Duterte, Senator Ronald dela Rosa at Sen. Bong Go bilang mga ikalawa at ikatlong akusado.