Nauunawaan umano ni VP Sara Duterte ang ginawang pagpatay sa kuryente at tubig sa opisina ng kaniyang kapatid na si Cong. Paolo “Pulong” Duterte sa House of Representatives na kaniyang tinutuluyan ngayon para damayan ang nakakulong na chief of staff ng OVP na si Atty. Zuleika Lopez matapos ma-cite in contempt at ikinulong sa detention facility hanggang Lunes, Nobiyembre 25.
Sa press conference nitong gabi ng Biyernes, Nov. 22, inihalimbawa niya ang Office of the Vice President kung saan mayroon aniya silang guidelines kung ano ang dapat gawin para makatipid sa pondo ng gobyerno kabilang na aniya dito ang pagpatay ng kuryente.
Pinuri naman ng Bise Presidente ang House of Representatives sa pagkakaroon ng naturang austerity measures.
Ayon pa sa Ikalawang Pangulo, marami siyang suhestiyon para kay House Speaker Martin Romualdez para maayos pa ang Batasan complex.
Nagbiro pa ang Bise Presidente na baka sa susunod na linggo ay siya na ang nakaupong House Speaker.
Matatandaan na nakadetine si Lopez sa Batasan mula pa noong gabi ng Miyerkules matapos mag-mosyon si House Deputy Minority Leader France Castro na i-cite in contempt si Atty. Lopez na sinegundahan ng mga miyembro at inaprubahan ng chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability.
Nag-ugat ito sa sulat ni Lopez sa Commission on Audit na nagsasabing huwag sundin ang subpoena ng Kamara na siyang nagpapasumite ng audit reports kaugnay sa confidential funds ng OVP noong 2022 at 2023.