Nilapastangan ni Vice President Sara Duterte ang yumaong si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang mailinis ang atensyon ng publiko sa kinukuwestyong paggamit nito ng daang milyong confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Ito ang sinabi ng isang miyembro ng Young Guns bloc sa Kamara de Representantes bilang tugon sinabi ni Duterte na “Kung ‘di kayo tumigil, huhukayin ko yang tatay ninyo, itatapon ko siya sa West Philippine Sea.”
Ang pagbabanta ay nakatuon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at sa kaniyang pamilya.
Sa isang press conference noong Biyernes, sinabi ni Duterte na sinabihan nito si Sen. Imee Marcos na kanyang itatapon ang labi ngyumanong Pangulo sa West Philippine Sea sa isang group chat.
Nagawa itong sabihin ni Duterte kay Sen. Marcos kahit na ilang beses niyang sinabi na sila ay magkaibigan at sa kabila ng pagtatanggol ng senador sa Ikalawang Pangulo.
“Using and disrespecting the dead runs counter to our culture. For us Filipinos, that is a no-no,” ani House Assistant Majority Leader at Taguig City Rep. Pammy Zamora.
Sa halip na gumamit ng ganitong taktika, hinimok ni Zamora si Duterte na harapin na lamang ang mga alegasyon laban sa kanya kaugnay ng kinukuwestyong paggamit ng confidential funds at pondo ng DepEd noong siya pa ang kalihim nito.