-- Advertisements --

Opisyal na in-endorso ni Vice President Sara Duterte si Senator Imee Marcos para sa kaniyang muling pagtakbo sa pagka-Senador sa 2025 midterm elections.

Sa inilabas na 31 segundong video ng Senadora sa kaniyang Facebook page, inendorso siya ng Bise Presidente at kapwa nakasuot ng kulay itim bilang pagluluksa umano sa gutom at krimen at tila nagpatutsada pa sa umano’y paggipit sa hindi ka-alyansa.

Ang pag-endorso ng Bise Presidente kay Sen. Imee ay ilang linggo matapos kumalas ang Presidential sister mula sa senatorial slate ng administrasyon noong Marso 26 at bumalik sa pagiging independent candidate.

Subalit, nauna naman ng nilinaw ni Sen. Imee na nananatili pa rin umano siyang independent candidate sa kabila nang pagsama niya sa mga naging kampanya ng Alyansa ng administrasyon noon.

Nag-ugat naman ang pag-alis ng Senadora sa Senate slate ng administrasyon nang hindi banggitin ng kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang pangalan sa pangangampanya nila sa Cavite noong Marso 21, dahil nagalit umano ang Pangulo sa kaniya matapos pangunahan ang imbestigasyon ng Senado sa umano’y ilegal na pag-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.