Nagpasalamat si Vice President Sara Duterte kay Senador Bato Dela Rosa, Senador Bong Go at Senador Robin Padilla, maging sa mga AFP at PNP personnel, sa mga kababaihan, at lahat umano na mga ordinaryong mamamayan sa pagtugon ng mga ito sa panawagan ni Senador Bato ng boluntaryong pagtulong para sa kaniyang seguridad.
Ayon sa Pangalawang Pangulo, hindi na kailangan pa mag-ambag ng pera para sa security niya dahil ang pagtatrabaho sa pamahalaan at pag-aalay ng buhay sa bayan ay parte umano ng kaniyang serbisyo.
Tanging hiling lang umano ni Duterte ang kaligtasan ng kaniyang pamilya. Huwag aniyang payagan ang anumang karahasan sa kaniyang ina, asawa at apat na anak, mapa personal man ito o sa internet.
Una rito, hinimay ng Bise Presidente ang umano’y kasinungalingan ni Philippine National Police Chief Police General Rommel Francisco Marbil sa mga pahayag nito hinggil sa pagbawi ng kaniyang 75 security personnel.
Sa inilabas ni VP Sara na mahabang liham para kay Marbil binigyang diin nito na ang pagtanggal ni PNP Chief sa kaniyang security detail ay isang political harassment.