Hinimok ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, ngayong Huwebes ang mga nagsipagtapos sa Emilio Aguinaldo College sa Cavite na dapat nilang pagserbisyuhan at mahalin ang ating bansa.
Si Duterte ang siyang Commencement speaker sa pag graduate ng nasa 400 mga estudyante.
Sa talumpati ni VP Sara, kaniyang pinaalalahanan ang mga ito sa kanilang tungkulin bilang mamamayan ng bansa na to serve, protect, and love our motherland.
Ayon kay Duterte, bagaman malaki ang epekto ng COVID-19 pandemic sa sektor ng edukasyon, ang pagtatapos ng mga mag-aaral ay patunay na hindi nahadlangan ng pandemya ang pagpupursigi ng mga estudyante para makapag-aral at maabot ang kanilang mga pangarap.
Binigyang-diin ng Pangalawang Pangulo na nawa’y maging halimbawa sa mga nagtapos ang buhay ni Emilio Aguinaldo, na matapang na hinarap ang mga hamon ng kaniyang henerasyon.
Ibinahagi din ni Duterte ang kaniyang naging experience ng mag-aral ito sa De La Salle University sa Dasmarinas,Cavite kung saan mag-isa itong naninirahan.
Aminado ang bise presidente na hindi siya karaniwang dumadalo ng graduation.
Aniya, ngayong naiimbitahan na siya, naisip umano ni Duterte na mahalaga ang graduation hindi lang sa mga nagsipagtapos pero para rin sa mga magulang at lahat ng tumulong sa mga estudyante.
Kabilang ang mga nagsipagtapos ngayong Huwebes ang unang batch ng mga estudyanteng senior high school na sumailalim sa K-12 program.