Nagkainitan si Senadora Risa Hontiveros at Vice President Sara Duterte sa Senado habang binubusisi ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon ng Office of the Vice President (OVP) na nagkakahalaga ng 2.037 billion pesos.
Sa pagdinig ng Committee on Finance, napuna ni Hontiveros ang mga proyekto na gustong pondohan ng OVP na kung saan ginagawa na ng ilang ahensya ng gobyerno.
Kabilang dito ang medical and burial program na kahalintulad sa programa ng Department of Health (DOH) at Assistance for Individual in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Depensa ng bise presidente napopolitika ang pondo halimbawa na lamang na kapag humiling aniya sila sa DSWD ng AICS ay kadalasang sinasagot na hindi pwede dahil galing sa OVP na tila kalaban.
Samantala, natanong din ni Hontiveros ang inilunsad ni VP Sara noong nakaraang taon na isang libro na may pamagat na “isang kaibigan” kung saan may nakalimbag na pangalan niya sa harapan ng libro.
Nagkakahalaga ng 10 milyon piso ang ilalagak na pondo rito kaya naman pinagpapaliwanag ng senadora ang bise presidente sa programang ito na ipamamahagi sa isang milyong mga estudyante sa remote communities.
Dito nag-init si VP Sara at sinabing isang halimbawa ng “politicizing” ang pagtatanong ni Hontiveros.
Giit ni Hontiveros, simple lamang ang kanyang tanong patungkol sa libro na ipamamahagi sa mga bata ngunit bakit paulit-ulit daw na sinasabi ng bise presidente ang “politicizing”.
Dito na rin nag-init si hontiveros at sinabing hindi kalugod-lugod ang pinakitang ugali ni VP Sara
Tinapatan din ni VP Sara ang pahayag ni Hontiveros at sinabi rin na hindi niya nagugustuhan ang ugali ng senadora sabay sumbat niya na ang mambabatas ang unang bumanat sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo duterte matapos manalo sa halalan sa kabila ng pagtulong niya rito na mangampanya at makakuha ng boto sa kanilang lugar sa Davao City.
Mistulang naging nag-referee at umawat na sa bangayan ng dalawa si Senadora Grace Poe na siyang chairman ng Committee on Finance at siya na ang nagtanong kung tungkol saan ang libro na sinagot naman ni VP Sara na ang paliwanag ay nasa pamagat ng libro na “Isang kaibigan” na tungkol sa friendship o pagkakaibigan.
Gayunpaman, na-refer na sa plenaryo ng Senado ang panukalang pambansang pondo ng OVP para sa susunod na taon.