Inihayag ni Vice President Sara Duterte na darating ang panahon na hindi na siya ‘sasali’ pa sa pulitika.
Tugon ito ng Bise Presidente nang matanong kaugnay sa payo sa kaniya ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na umalis sa pulitika at mamuhay na lamang ng mapayapang buhay
Napatawa naman ang Bise Presidente dahil aniya sinabihan siya ng dating Pangulo noon na tumakbo ng tumakbo sa pagka-alkalde at bise-alkalde ng Davao city.
Subalit, maging siya mismo ay nais din niya na umalis sa pulitika subalit kailangan niyang sagutin ang 32.2 milyong Pilipino na nagtiwala at nagbigay ng kumpiyansa sa kaniya para maging Ikalawang Pangulo ng bansa.
Ginawa ng Bise Presidente ang naturang pahayag sa gitna ng mga kontrobersiyang ipinupukol sa kaniya kaugnay sa paggastos ng pondo ng Office of the Vice President at noong kalihim pa siya ng Department of Education na tinawag naman ng Bise Presidente na politically motivated. Gayundin ang ginagawang congressional inquiry bilang isang test case aniya para sa impeachment laban sa kaniya.
Subalit nanindigan si VP Sara na walang misuse sa mga pondo ng kaniyang tanggapan.