Inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi bunsod ng kahinaan ang kaniyang pagbibitiw bilang kalihim ng Department of Education kundi bilang malasakit sa mga guro at estudyante.
Ito ang binigyang diin ng Bise Presidente sa kaniyang pagharap sa kawani ng media ngayong araw matapos kumpirmahin ang pagbibitiw nito sa cabinet position matapos ang 2 taong panunungkulan dito.
Ayon kay VP Sara, ipinasa niya ang kaniyang resignation kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw, Hunyo 19 na tinanggap naman ng Pangulo.
Ito ay matapos ang 30 araw na notice para sa maayos na paglilipat ng kapangyarihan sa susunod na kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon.
Sa naging talumpati ni VP Sara, sinabi nito na kahit hindi na siya ang tumatayong kalihim ng edukasyon, mananatili pa rin itong nakasubaybay at titindig sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral sa bansa.
Pinasalamatan din ni Duterte ang mga partner agencies sa gobyerno, mga lokal na pamahalaan, private sector partners at kaniyang itinuring ng pamilya sa DepEd.
Hindi naman binanggit ng Bise Presidente ang dahilan ng kaniyang pagbibitiw bilang DepEd Secretary.
Samantala, maliban dito, nagbitiw din ang ikalawang pangulo bilang Vice Chairperson ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC)
Kung maalala, inisyal na nais ni VP Sara na maitalaga bilang kalihim ng Department of National Defense (DND) subalit ibinigay sa kaniya ng Pangulo ang posisyon bilang kalihim ng DepEd.