-- Advertisements --

Sinagot ni Vice President Sara Duterte ang mga naging pahayag ni Presidential Communications Office Usec. Claire Castro kung saan sinabi nito na hindi naman nadinig ng publiko noon na sinabi ni dating pangulo Rodrigo Duterte na ihinalintulad nito ang sarili kay yumaong senador Benigno ‘Ninoy’ Aquino.

Bwelta ng Bise Presidente, ang mismong pinagmulan ng kaniyang mga pahayag sa isinagawang programa sa The Hague, Netherlands ay base sa kung ano ang nangyari noon sa dating senador na hindi na rin aniya mababago at mabubura pang muli sa kasaysayan.

Ani VP Sara, ito lamang ay nagpapakita kung ano ang kapasidad ng kanilang administrasyon para gawin ang ganitong klase ng mga bagay kabilang na aniya ang extraordinary rendition kung saan ay kinuha umano nila ng walang warrant ang kaniyang ama at dinala sa The Hague para iharap sa International Criminal Court (ICC).

Nilinaw din ng pangalawang pangulo na hindi naman si dating pangulo Rodrigo Duterte ang nagpahayag na baka matulad ang sitwasyon nito sa sinapit ni dating senador Ninoy Aquino kung hindi mula mismo sa kaniya.

Paliwanag niya ito ay kaniyang nasabi dahil ito ay ang kaniyang mga pangamba para sa buhay ng kaniyang ama na kasalukuyang nasa detention facility.

Dagdag pa ng Bise Presidente, malinaw na nais na ng dating opisyal na umuwi sa Pilipinas dahil ito ang paulit-ulit niyang sinasabi sa tuwing bumibisita ang pangalawang pangulo sa kaniya sa loob ng pasilidad.

Samantala, para naman sa dating opisyal, hindi na ito isang pangamba pa dahil na rin sa katandaan at tapos na rin aniya ang mga dapat nitong gawin maliban sa kagustuhan nitong matuloy na maging Mayor ng Davao ngayong eleksyon.