Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Vice President Sara Duterte sa mga dumalo sa malawakang peace rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) ngayong araw sa buong bansa.
Nagpapakita daw ito ng pagkakaisa na ang tanging hangad lamang ay kapayapaan patungo sa kaunlaran ng bansa.
Pinuri at pinasalamatan ng bise presidente ang INC sa patuloy na pagsisikap nito na maghatid ng pagkakaunawaan at pagkakaisa sa kabila ng nararanasan aniya ngayong pagtaas sa presyo ng bilihin, kahirapan at iba pang suliranin.
“Nagpapasalamat ako sa ating mga kapatid sa Iglesia ni Cristo sa inyong patuloy na pagsisikap na maghatid ng pagkakaunawaan at pagkakaisa sa ating mga kababayan. Sa gitna ng tumataas na presyo ng bilihin, kahirapan, at iba pang suliranin, ang isang mapayapa at nagkakaisang Pilipinas ay hindi kailanman matitinag, at paulit-ulit na aahon sa gitna ng hamon ng panahon,” wika ni VP Sara Duterte.
Humigit kumulang 1.8 milyon na ang lumahok sa malawakang peace rally, nasa 1.5 haggang 1.6 milyon dito ang naitala sa National Capital Region.