Itinanggi ni Vice President Sara Duterte na siya ang dahilan ng kaguluhan ngayon sa pulitika.
Tugon ito ni VP Sara kasunod ng sinabi ni Rep. Jay Khonghun na hindi mangyayari ang gulo ngayon sa pulitika kung hindi nangarap ang bise na maging pangulo nang maaga.
Giit ni Duterte, ang 2022 presidency ay sa kanya talaga. Nanalo na aniya siya sa surveys at nagkaisa na ang mga tao para sa kanyang kandidatura.
“The presidency of 2022 was mine already. Nanalo na ako sa surveys, lahat ng tao solid na, united na for my candidacy. Pero I gave it away because I felt I had to do some other things other than being president of the Republic of the Philippines,” paliwanag ni Duterte.
Una nang naghain si Duterte ng kanyang kandidatura bilang alkalde ng Davao City. Nang maglaon ay nagbago ang isip niya at nagpasyang tumakbo kasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Samantala, tumanggi naman si Duterte na magkomento sa pahayag ni Marcos na hindi siya pabor sa anumang pagtatangka na i-impeach ang bise dahil hindi ito mapakikinabangan ng buhay ng mga Pilipino.
Tumanggi rin siyang magkomento sa tila pagpayag ni Marcos na makipagkasundo sa kanya.