Naniniwala ang mga lider ng Young Guns ng Kamara na ang hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ay pagtakas sa kanyang responsibilidad at pananagutan sa paggastos ng P612.5 milyong confidential funds.
Ito ang sinabi nina Deputy Majority Leader Paolo Ortega ng La Union at Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales matapos sabihin ni Duterte sa panayam ng media na hindi ito dadalo sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability sa Nobyembre 20.
Iniimbestigahan ng komite, na pinamumunuan ni Manila Rep. Joel Chua, ang umano’y iregularidad sa paggamit ng kabuuang P612.5 milyong confidential fund ng Office of the Vice President at Department of Education noong 2022 at 2023.
Ang pagtanggi ni Duterte na dumalo ay sa kabila ng personal nitong pagtanggap ng imbitasyon noong Miyerkoles habang nakikinig sa pagdinig ng House Quad Comm na dinaluhan ng kanyang tatay na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ayaw pa ring sumipot sa aming inquiry, kasi ayaw matanong, takot matanong. Ang kanyang pagtanggi ay bahagi ng kanyang strategy para iwasan ang responsibilidad at accountability para sa ‘di wastong paggamit ng pera ng taong bayan,” ani Ortega.
Ipinaalala rin ni Ortega na hindi nanumpa ang Bise Presidente na magsasabi ng totoo at buong katotohanan ng dumalo ito sa unang pagdinig ng Good Government committee.
Naniniwala naman si Khonghun na iniiwasan ng Ikalawang Pangulo ang pagdinig ng Kamara dahil hindi nito kayang ipaliwanag kung papaano ginastos ang daang milyong confidential fund.
Kabilang sa iniimbestigahan ang paggastos ng Bise Presidente ang P125 milyong confidenital fund nito sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.
Ipinunto naman ni Ortega na bahagi ng P125 milyong pondo ang ipinambili ng mga gamot at supplies na hindi pinapayagan ng panuntunan para sa paggastos ng confidential and intelligence funds.
Kinuwestyon ng Commission on Audit (COA) ang ginawang paggastos sa P73 milyong bahagi ng P125 milyon at inutusan si VP Duterte at iba pang responsableng opisyal na ibalik ito sa gobyerno.