Tinawag ni Vice President Sara Duterte ang mga pag-atake laban sa kaniyang kapatid na si Davao city 1st distict Rep. Paolo Duterte at kaniyang asawa na si Mans Carpio bilang political harassment at political attacks.
Sa isang panayam ngayong Sabado sa Davao city, sinabi ng Bise Presidente na simula ng umalis siya sa Gabinete ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakalipas na buwan, nagsilabasan na ang nasabing mga isyu.
Umaasa naman ang Ikalawang Pangulo na hindi magpapadala ang taumbayan sa ingay sa halip ay tutukan ang tunay na problema ng ating bansa hinggil sa kahirapan at mahal na presyo ng mga pagkain.
Ginawa ng Bise Presidente ang naturang pahayag kasunod ng isinagawang unang pagdinig ng binuong Quad committee panel ng House of Representatives nitong Biyernes sa Bacolor, Pampanga kung saan naging sentro ng imbestigasyon ang mga krimen may kinalaman sa kontrobersiyal na POGO, EJK at illegal drug trade sa ilalim ng nakalipas na Duterte administration
Dito, pinangalanan ng testigo at dating Customs intelligence agent na si Jimmy Guban ang asawa ni VP Sara na si Mans Carpio at kaniyang kapatid na si Cong. Pulong at dating presidential economic adviser Michael Yang sa smuggling o pagpupuslit ng P11 billion na halaga ng shabu sa Manila International Container Port noong 2018.
Samantala, ipinagkibit balikat naman ng Bise presidente ang umano’y nilulutong impeachment complaint laban sa kaniya. Aniya, hindi na siya nagulat pa dahil mainit ngayon ang pulitika at base sa kaniyang kaibigan na nasa Kamara, lagi na aniya itong pinag-uusapan ng mga miyembro ng Mababang kapulungan ng kongreso.
Matatandaan una ng pinalutang ni dating presidential spokesperson Harry Roque na nakatakda umanong ihain ang impeachment complaint laban kay VP Sara ngayong linggo. Natanggap umano niya ang naturang impormasyon mula sa kaniyang ‘classmates’ sa 17th Congress.