Tumanggap si Vice President Sara Duterte ng kabuuang P300,000 bilang kalihim ng Department of Education nitong nakalipas na taon.
Ito ay batay sa inilabas na report ng Commission on Audit(COA).
Batay sa report ng COA, tumanggap si VP Duterte ng kabuuang P168,000 bilang allowance at P132,000 bilang discretionary, extraordinary, at miscellaneus expenses.
Ito ay may kabuuang net pay na P300,000.00
Si VP Duterte ay anim na buwang nanilbihan bilang kalihim ng DepED noong 2022, matapos siyang kaagad italaga ni Pang. BBM sa posisyon.
Samantala, lumalabas sa report ng COA na si VP Sara ang nakakuha ng pinakamababang take-home pay, kumpara sa iba pang mga miyembro ng gabinete ni Pang. BBM.
Ang ibang gabinete kasi ay tumanggap ng milyon-milyong sahod at allowance, batay na rin sa itinatakda ng batas.
Pinakamalaki dito si Finance Secretary Benjamin Diokno na nakatanggap ng P28.781 million.
Pangalawa ay si Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na may net pay na P6.947 million.
Pangatlo dito ay si Solicitor General Menardo Guevarra na tumanggap naman ng P6.484 million.
Pang-apat sa mga miyembro ng gabinete na tumanggap ng pinakamataas na sahod ay si Commission on Higher Education Secretary Prospero De Vera III. Tumanggap siya ng P5.103 million bilang net pay
Panglima si DOST Sec. Renato Solidum Jr. na tumanggap ng kabuuang P4.909million.
Samantala, hindi naman tumanggap ng anumang sahod at allowance si Pang. Ferdinand Marcos Jr, bilang kalihim ng Department of Agriculture, sa kabuuan ng 2022. Ito ay sa kabila ng anim na buwan niyang pamumuno sa nasabing kagawaran.